Hunyo 19, 2005 – Sa ganap na 12:01 ng madaling araw ay inumpisahan na ang pagtatala ng mga kapatid at magulang na may edad labing lima (15 yrs. Old) pataas para sa gaganaping halalan ng bubuo ng Kataastaasang Sanggunian.
Ang mga namuno sa halalal o Comelec Officials ay pinangunahan ng Kapatid Precy Ramoran ng Pangasinan. Ang mga nahalal ay ang mga sumusunod: Ktt. Pangulo Gloria Dava Labarda, Ktt. Kalihim Estrella V. Nicdao, Ktt Ingat-Yaman Josefina C. Panlilio, Punong Kagawaran ng Pananampalataya Obispa Romana D. Javen, at Imbestigador Heneral Francisco Samson.
Tanging ang magulang na Francisco Samson ang nagkaroon ng katunggali para sa pagiging Imbestigador Heneral. Ang mga naihalal ay sila ring mga naunang incorporators, bahagi ng Interim Officials ng Kapatiran Ang Likas na Kaliwanagan (K.A.L.K.). Ito ay nagpapatunay lamang na gusto at sang-ayon ang mga kapatid sa K.A.L.K. sa kanilang pamumuno. “To be a great leader you must have the competence and the right character.” Kahit gaano katalino ang isang namumuno kung wala naman itong pagpapahalaga sa kanyang mga miyembro at puro mga pansariling interest o kapakanan lamang ang kanyang iniisip ay hindi iyon matatawag na totoong lider.
Tahimik at maayos na ginanap ang halalan sapagkat masayang nakilahok ang mga kapatid. Malaya silang pumili ng mga gusto nilang iboto bilang mamumuno na inaasahang magsisilbing mga gabay para sa pag-unlad ng K.A.L.K. Ngunit hindi ibig sabihin nito na sila lang ang may katungkulan o responsibilidad sa K.A.L.K., kundi tayong lahat na magkakapatid ay may kanya-kanyang tungkulin na dapat gampanan sa ating Kapatiran. Ayon ng sa isang kasabihan “If there is unity there is success.” –ulat nina Ann Gabriel at Ida Panlilio
—– 😀 —–
Ito ang damdamin ni Gat. Dr. Jose Rizal para sa kanyang lupang tinubuan na kanyang pinatunayan at naging mitsa ng kanyang maagang pagpanaw. Tinagurian siyang Pride of the Malay Race sapagkat isa siyang katangi-tanging Pilipino, bihasa sa 24 na wika, manggagamot, eskultor, pintor, manunulat, tunay na genius at higit sa lahat ay isang “man of peace”.
Kung may George Washington ang Amerika, Simon Bolivar ang Venezuela, Garibaldi ang Italya at Joanna de Arko ang Pransya, tayo ay may Jose Rizal, ang nagdala ng karangalan sa ating bansa nang maglakbay siya sa iba’t ibang panig ng mundo – sa Asya, Europa, Amerika at nagkaroon ng maraming kaibigan at tagahanga. Bagaman nakaririwasa sa buhay, pinili siya ang magtiis ng kahirapan upang malimbag ang sinulat niyang NOLI at Fili, na nagmulat sa mga Pilipino sa pang-aapi ng mga Kastila gaya nina Bonifacio, Luna, del Pilar, Jacinto at iba.
Sa panahong ito, sino ang matatawag nating bayani na katulad ni Gat. Dr. Rizal na ang panulat ay nagdulot ng pangamba sa isang bansang makapangyarihan? Na pinili ang kamatayan kaysa yumuko sa mapang-aping dayuhan.
Marahil, minsan lang sa isang buhay… only once in a lifetime…
Tunay na karapat-dapat siyang kilalanin, dakilain at igalang, kaya’t ang K.A.L.K. ay buong pagmamalaking nagpupugay sa kanyang ika-144 na kaarawan…
Maligayang PASKO NG Pilipino!
GLORIA D. LABARDA
Kataastaasang Pangulo
—– 😀 —–
Magpasalamat lagi sa Ktt. Ama sa Kanyang mga ipinagkakaloob sa atin upang maging karapat-dapat tayo sa pagtanggap ng darating pang biyaya. Iyan ang palaging pahayag ng ating Patnugot ng K.A.L.K. Ang mga taong tanggap lamang ng tanggap ngunit hindi marunong magpasalamat ay magugulat na lamang isang araw na wala na silang tinatanggap na biyaya.
Ayon nga sa kasabihan: “Ang pasasalamat ay alaala ng ating puso.”
Sinabi ng isang paham sa isang kaibigan: “Kapag nakikita ko ang isang kapus-palad na tuwang-tuwa na tumatanggap kahit ano at hindi maalaman kung paano ang gagawing pagpapasalamat ay napapahiya ako. Kayrami kong dapat ipagpasalamat sa Diyos.”
Kung kaya nga napakahalaga na sa pagmulat pa lamang ng mga mata sa umaga, kung hindi ka makapagpasalamat sa mga tinanggap mong biyaya ay pasalamatan mo naman ang mga naligtasan mong kahirapan at kasawian.
Narito ang isang magandang tula sa wikang ingles na hindi nagpakilala ang sumulat. Iisa ang mensahe nito, pasalamatan ang bigay ng Poong Maykapal.
Today, upon the bus I saw a lovely girl with golden hair,
I envied her, she seemed so gay, and I wished I were so fair,
When suddenly she rose to leave, and I saw her hobble down the aisle,
She had one leg, and wore a crutch, and as she passed, a smile.
Oh God, forgive me when I whine…
I have two legs. The world is mine.
And then I stopped to buy some sweets, The lad who sold them had such charm,
I talk to him: he seemed so glad… if I were late ‘twould do no harm,
And as I left he said to me :”Thank you. You have been so kind.
It’s nice to talk to folks like you. You see,” he said, “I’m blind”.
Oh God, forgive me when I whine…
I have two eyes. The world is mine.
Later, walking down the street, I saw a child with eyes of blue.
He stood and watched the others play; it seemed he knew not what to do.
I stopped a moment, then I said, “Why don’t you join the others, dear?”
He looked ahead without a word, and then I knew he could not hear.
Oh God, forgive me when I whine…
I have two ears. The world is mine.
With legs to take me where I’d go,
With eyes to see the sunset glow,
Two ears to hear what I would know…
Oh God, forgive me when I whine…
I’m blessed indeed. The world is mine.
Ang makatang nagkukuwento sa tula ay reklamo ng reklamo. Hindi niya pinasasalamatan ang biyaya ng Diyos sa kanya hanggang Makita niya ang mga bata na may kapansanan.
Anuman ang ipinagkaloob ng Diyos sa atin ay lagi nating pasalamatan upang hindi mawala o bawiin sa atin. Kapag marunong tayong lumingon ay dadating ang mga biyaya sa ating buhay.
Sinasabi na ang mga taong nagpapasalamat ay masaya, marunong magbahagi sa mga wala at sinisikap niyang maging mabuting anak ng Diyos. Siya ang karapatdapat pagkalooban ng pagtingin ng Diyos. (Ang kuwento ay halaw sa Tempo, Lakbay Diwa ni Bella Abangan)
—– 😀 —–
Sa pamumuno ng mga magulang na Esther Villanueva (Facilitator) at mga kabataang nagseminar sa Templo Rizal Sgy. Pag-asa Mt Banahaw, Ilayang Dapdap, Tayabas Quezon, ay ninais nila, (kasama po ang inyong lingkod) na ibahagi sa mga kabataang hindi nakadalo ang aming mga natutuhan. Naitakda ang echo seminar noong Abril 30, May 1, 7, 8, 20, at 22, sa mga Templo ng Linao Dalayap, Calingcuan, Villa Bacolor at Mayang Tarlac City, na itinapat sa araw ng Sabado at Linggo, kung saan gaganapin ang Misa. Masaya pong ibinabalita na hindi inaasahan ang ganoong karaming participants ang nag-attend ng seminar dahil sa gusto rin nilang magkaroon o madagdagan pa ang kanilang kaalaman tungkol sa ating kapisanan.
Dahil dito, hindi lang nadagdagan ang kanilang kaalaman kundi lubusan pa silang nagkakilala at nagkaroon ng magandang samahan ang mga kabataang K.A.L.K. Para lalong mapagtibay an gaming nasimulan, sa seminar ding ito binuo ang pansamantalang pamunuan ng Kabataang K.A.L.K. ng Tarlac.
Ang mga Temporary Officials ay sina: President: Ninoy Pangilinan, Vice President: Michael Hilario, Secretary: Tutchie Panlilio, Treasurer: Ann Ann C. Gabriel, Asst. Treasurer: Irene Torres, Auditor: Alvin Nicdao, Asst. Auditor: Charlie Antonio, PRO: Fermin Rigor, Asst. PRO: Rolando Pangilinan Jr., Bus Manager: Benjie Rigor, Asst. Bus Manager: Ricky Antonio, Sgt.at Arms: Richard Pangilinan, Asst. Sgt. at Arms: Dante Pangilinan.
Napagkasunduan kaagad ang pagkakaroon ng unang proyekto: Ang pagkakaroon ng basurahan ng bawat Templo, na agad-agad ay naisakatuparan.
May 22 natapos ang seminar na halos na ayaw naming magkahiwa-hiwalay ang mga kabataan. Kitang-kita sa mukha ng lahat ang kasiyahan sa ginawang pagbubuo sa mga kabataan. Sana po ay maging tuloy-tuloy-tuloy na an gaming nasimulan, upang maging karapatdapat sa taguring mga “Kabataang Pag-asa ng Bayan.” –ulat ni Tutc Panlilio, Tarlac City.
Noong inimbitahan ako ni kuya emon (Raymond Javen) na pupunta daw kami sa Templo sa bundok at doon nga magseseminar, naisip ko: “ano kaya ang gagawin dun? Hindi kaya mabored lang ako dun at sino-sino pa kaya ang a-attend?”
Umalis kami ng umaga ng Aril 10, siguro 8am nay un pero hindi si kuya Emon ang kasabay ko kundi si ate Resel. Kakapagod ang pag-akyat, tulo na nga ang pawis ko pero sulit naman dahil sa pagpasok pa lang, makikita na ang wishing falls sa bagong ayos na Rizal Park. “Wow! Ang ganda, nakakawala ng pagod!”
Kinabukasan nagsimula na ang seminar. Madami ang umattend, taga iba-ibang lugar. Kami lang ng pinsan ko ang taga_quezon. Nakakailang dahil hindi namin maintindihan ang salita nila, pero ng sinabi ng facilitator ng seminar na sikaping Tagalog lamang ang mga pag-uusap ay natuwa kami.
Nag-start ang seminar sa pagpapakilala pagkatapos ay nagkaroon ng group activity na ang purpose ay mawala ang pagiging mahiyain namin sa isa’t isa. Nag-grouping at nagbotohan kung sino ang gagawing lider ng bawat grupo. Hindi inaasahan na nakasama ako sa naging lider.
Pinaliwanag ang ibig sabihin ng K.A.L.K. at ang kasaysayan nito. Itinuro ang mga aral ng kapatiran, ang paggalang sa opinion ng iba, ang malayang pagpapasya na nakapaloob sa Doktrina at Banal na Simulain ng K.A.L.K. at layunin nito at marami pang iba.
Sa paglipas ng mga araw na magkakasama kami ng mga kabataang buhat sa iba-ibang lalawigan, unti-unti ng nagkapalagayan ng loob ang isa’t isa. Pagkatapos nag-hiking pa kami, pumunta nga kami sa tangke para doon maidiscuss ang pagkakaiba ng Spiritual at Material. Siguradong ikatutuwa mo rin kung naging bahagi ka ng discussion na ito.
Sa gabi, mas maraming bonding activities, kantahan, kuwentuhan na talagang hindi ka dadalawin ng antok dahil sa saya ng pinag-uusapan at mga group activities na ginawa namin.
Sa umaga pagkatapos ng pagpupuri sa Amang Araw ay mag-eehersisyo, maglilimnis kami ng paligid bago kumain. Pagkatapos maglinis ng katawan ay simula na ulit ng pag-aaral. Sa pag-aaral naman ay hindi ka mabo-bored dahil bahagi ng pag-aaral ang mga group activities upang lalo naming maintindihan ang mga pinag-aaral bukod pa sa lalong mapalapit sa bawat isa, magtiwala, gumalang at kumilos na parang isa.
Napakarami pa naming ginawa, pero secret na para ma-preserve ang excitement sa pag-attend ninyo ng seminar para sa Kabataang K.A.L.K.
Ang masasabi ko lang, ang mga katanungan ko noong bago palang ako pumunta sa Templo sa Bundok ay nabigyan ng mga kasagutan. Mas higit pa sa aking inaasahan. Hindi lang puro happenings, kundi natutunan naming ang halaga ng isang samahan, paggalang sa kapwa, ang malayang pagpapasya at higit sa lahat ang matinding paniniwala sa Diyos dahil sabihin mo mang ikaw ang pinakamalas, malungkot, nag-iisa, hindi mo man alam kung saan ka tutungo, tumawag ka lang sa Kanya at hindi ka Niya pababayaan.
Basta, kung gusto mong makilala ang sarili mo at hindi ka maligaw ng landas, subukan mong umattend sa suunod na seminar at talagang maliliwanagan ka. –Joeven delos Santos, Tayabas Quezon
Muling binuhay ng magulang Oscar Labarda ang tatlong letrang K na hango sa samahang itinatag ng mga Dakilang Katipuneros ng lahing Pilipino. Sa pamamagitan ng tatlong letrang K na binigyan ng bagong kahulugan, malinaw na naihayag ang mga mithiin ng mga kapatid sa Kapatiran Ang Likas na Kaliwanagan, K.A.L.K.
Ibinabahagi ang mga kaayusang sinisimulan at ginagampanan sa ilalim ng pamamahal ng mga Pamunuan ng K.A.L.K. Unang-una ay ang pagsunod sa itinakda ng Saligang Batas ng Kapatiran, (ang pagkakaroon ng Halalan) pagkakampanya sa maayos na mga tala ng kapatiran (bookkeeping, atbp), pagkakaroon ng maayos na babasahin para sa mga kapatid, pagsasanay ng mga Obispa at Apostolada sa mga gawaing pang-espiritual, ang pagsusumikap na magkaroon ng maayos na Bahay Dalangina, pagkakaroon ng bukas na pakikipagtalastasan sa mga kapatid sa kapatiran, upang kagyat na malunasan kung magkaroon ng hindi pagkakaunawaan, ang pagkakaroon ng transparency sa mga gawain ng Pamunuan at marami pang iba.
Sa loob lamang ng isang taon buhat ng maliwanagan ang mga kapatid sa K.A.L.K. ay nadama na ng mga kapatid ang unti-unti kaunlaran ng Kapatiran.
—– 😀 —–
Panawagan
Sa seminar ng mga kabataan noong nakaraang Abril 10-14, ipinamahagi ang babasahing: Para sa kababaihan ng K.A.L.K. Mga tinipong aral para sa kababaihan, tungkulin sa kapisanan, bayan at tahanan, at mga awit na sinulat lahat ng dating Pangulo Salud Nuevo.
Muling ipinaalaala ang Kautusan sa mga Kababaihan ng K.A.L.K. at panawagan sa lahat ng mga Apostolada at Obispa.
- Sa pagpapakilala sa ating panunuparan sa Kataastaasang Ama ay mag-aalay ng nobena para sa ating amang Dr. Rizal bago sumapit ang ika-30 ng Disyembre : Kataastaasang Ama, Maningning na Tala at Sariling Debosyon kung oras na tahimik.
- Ang nobena ay paglilinis din ng budhi at kaisipan sa mataimtim na panalangin at pagpupuri sa Ama.
- Huwag magsasalita ng masama pati sa mga anak na nagkakamali.
- Intindihing mabuti ang mahalagang tungkulin at mga gawain, mga pangaral, kautusan at disiplina.
- Lakipan ng ibayong kasipagan, maging masinop at mapagmalasakit sa kabuhayang kaloob ng Diyos.
- Maging malinis sa mga anak, sa pamamahay at paligid kahit saan mapatigil at manirahan.
- Paka-ayusin ang buhok at maging malinis sa pananamit sa araw-araw upang igalang ng sinumang tumitingin.
- Maging huwaran sa kapwa kababaihan na walang inaaksayang sandal upang magampanan ang mararangal na Gawain.
- Ang mga Obispa, Apostolada at Asistentes ay dapat na dumalo sa lahat ng pagtitipon sa abot ng makakayanan. Patuloy ang pananalangin sa umaga, hapon at pagtupad sa loob ng Templo Rizal.
- Hubugin ang mga anak sa pananalangin tuwing hapon sa loob ng Templo at tamang disiplina.
- Intindihin at makibalita sa mga pangyayaring nagaganap sa loob ng kapatiran tulad ng mga sirkular, kautusan, mga pinagtibay na resolution at disiplinang ipinatutupad.
- Magkaroon ng makabuluhang partisipasyon sa pamamahala, upang magkaroon ng pagmamahalan, pagdadamayan upang magkaroon ng kaayusan at katiwasayan.
- Magturo ng mabubuting asal, paggalang sa matatanda at mga bagay na mapanatili ang ating matandang kaugalian at kultura bilang Pilipino.
- Pakaingatan ang bawat karangalan at piliting mabuhay sa marangal na paraan.
- Magbigkis-bigkis at magdamayan sa gitna ng ‘di inaasahang mga kalamidad.
- Maging matalas ang pakiramdam sa pakikipagtalastasan sa kapwa upang hindi Masaya at malinlang.
“Subaybayan nawa tayo ng Kataastaasang Ama, Itangkakal nawa tayo ng Kamahal-mahalang Ina, Pamamagitan nawa tayo ng mga anak na siyang mga martir at bayaning banal, at patnubayan nawa tayo ng Espiritu, na siyang anghel na nagtatanod sa araw at gabi, upang mapanuto tayong lahat, sa katiwasayan at kapayapaang walang hanggan.”
Tagatalima sa mga kautusan ng K.A.L.K.
SALUD F. NUEVO
Sipi 1 Isyu 4 Hunyo 2005
—– 😀 —–